LSS: Para sa Masa by Eraserheads

Nagkaroon ng komosyon dito sa aming tahanan… Marahil, ay hindi na napigilan pa ang pagsabog ng naipong hinampo, kirot sa dibdib na naging sugat na nagnanaknak, pagsambulat ng lahat ng nilalaman ng puso… Mga bagay na hindi ko napaghandaan… Pero hindi na rin ako nagulat…

Lahat ng tao ay dumadaan sa gano’ng punto ng kanilang buhay. Kahit gaano pa kabait, kahit gaano pa kahaba ang pasensya. Kahit pa siya ang nanay mo, tatay, kapatid o kaibigan. Walang exception. Lahat nasasagad. Lahat napupuno.

Lahat tayo ay Lumpo:
Magkakaiba lang ng sakit, magkakaiba lang ng nabaling buto, magkakaiba lang ng sugat. Ang pagkalumpo ay hindi lamang sa pisikal makikita at higit kanino man ang pagkalumpo ng isang tao ay siya lamang ang nakakaalam. Pero hindi lahat ay kayang tanggapin ang pagkalumpong iyon ng sarili.

Minamaliit at kinaaawan ang sarili,
nawawalan ng pagasa,
nauubos ang pasensya, sumasabog.
Yan ang nagagawa ng kalumpuhan.
Ang pagkapagod sa buhay na paulit-ulit at walang resulta.
Ang pagsisisi at pagsumpa sa mga bagay na nagawa at ginawa
at gagawin pa lamang sa hinaharap.

May tabing ang mata ng isang lumpo.
Nabubulag ng sariling kalagayan
at lahat ay sinisisi sa kinahinatnan ng kanyang buhay.

Lahat tayo ay Inutil:

Sa iba iba nga lang antas, iba-ibang sitwasyon at sa iba-ibang pagtingin. Masakit. Pero higit sa lahat ang pinaka masakit ay ang maramdaman mo ang pagka-inutil. Masarap iparamdam sa iba ang pagiging inutil, pero kapag ikaw na pala ang nakaramdam, dun mo malalamang hindi masarap. mapait.

Kung anong nararamdaman mo ay yun din ang naranasan ko… Walang nakikinig… Walang sumusuporta… Walang umiintindi… Walang kakampi… HInihintay na lamang ang panahon ng pagsabog ng sarili. Hinihintay na lamang na matapos ang lahat, masabi ang lahat, pakawalan ang lahat. At pagkatapos ng lahat, dun mo mababatid, na wala ka na talagang maaasahan. Dahil wala pa ring makikinig, susuporta, iintindi at kakampi sa iyo kundi ang ‘yong sarili.

Isa rin akong lumpo at inutil.
Pero pinipilit kong kumilos…
Pinipilit kong bumangon mula sa kama ng sakit,
pagsisisi, ng nakaraan at kawalan ng pagasa.

Isa rin akong lumpo at inutil.
Pero pinipilit kong lumampas…
Pinipilit kong lampasan ang hanggahan ng kawalang magagawa,
ang pangmamata ng kapwa,
ang pagmamadali sa panahon,
ang sumbat at ang sariling kakayahan.

Isa rin akong lumpo at inutil.
Nagkaiba lang tayo sa mga gusto nating mangyari sa buhay
ng pagiging isang inutil, na walang magawa para sa sarili
at sinasagip ang sarili sa pagkalunod.
Mas pinili kong humakbang pa ng higit
sa inakala niyong kaya ko, kaya nagiba ang tingin niyo sa akin.

Hindi ko iniisip na isa akong kabiguan.
Nagsisimula pa lamang ako.
Sa pagrerebelde sa sarili at hindi sa inyo.